Sinimulan na ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Mimaropa ang apat na araw na 2023 Mimaropa Regional Skills Competition na may temang; ‘Makisig, Malingap at Mahusay: Ipagmalaki ang Galing at Kasanayan sa Mundo’.
Dumalo sa nasabing aktibidad si TESDA Regional Director Angelina M. Carreon at ang delegasyon mula sa mga lalawigan ng Occidental at Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan kasama ang mga TESDA provincial directors at coaches, gayundin ang mga kinatawan ng iba’t ibang kinatawan ng lokal na pamahalaan at non-government agency-partners upang saksihan ang mga maglalaban sa 16 skills area.
Magtatagisan ng talino, husay at diskarte ang mga kalahok sa larangan ng electrical installation, welding, cooking, wall and floor tiling, bakery, plumbing and heating, bricklaying, electronics, restaurant services, hotel reception, carpentry, fashion technology, automobile technology, web technologies, information network and cabling at refrigeration and airconditioning na kung saan gaganapin sa Simeon Suan Vocational and Technical College sa Bansud, NuCiti Calapan Mall, Roadtech Autocare Training Center Inc. Calapan City, PNS Palawan at Gloria Institute of Science and Technology.
Ang mga magwawagi sa paligsahan ay kakatawan sa national skills competition na gaganapin sa unang quarter ng susunod na taon at ang mananalo ay mapapasabak sa ASEAN skills competition hanggang makarating sa international skills competition na iaanunsiyo ng TESDA sa mga susunod na araw. (DN/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)