Tinuturong isa sa mga dahilan kung bakit nakarating sa lalawigan ng Romblon ang sakit na African Swine Fever (ASF) ay ang pilit di umanong pagsuway ng ilang malalaking negosyante sa executive order ni Governor Jose Riano na bawal magpasok ng karne ng baboy sa Romblon mula sa labas ng probinsya.
Ayon kay Dr. Paul Miñano ng Office of the Provincial Veterinarian , pinag-aaralan na nila ang posibilidad na ito.
“Pinag-aaralan na po namin na baka may mga negosyante na nagdadala ng karne [sa probinsya] na galing sa Luzon at Pampanga na infected [ng ASF]. Hindi natin lubos maisip ito, kasi pinagbawal na ito ng gobernador pero maraming negosyante na pilit nagpapalusot,” pahayag ni Miñano sa TeleRadyo Serbisyo.
Kamakailan ay sinabi ni Miñano na may 46 kilo ng imported na karne ang nasabat ng lokal na pamahalaan ng Looc mula sa isang tindahan. Kaagad naman itong sinunog at inilibing para hindi mapakinabangan pa.
Sa hiwalay na panayam ng Romblon News Network, sinabi ni Miñano na naging kampante at naging maluwag ang mga pantalan sa Romblon na naging dahilan rin kung bakit nakapasok ang sakit sa Sibuyan Island.
Kasunod nang naitalang unang kaso ng ASF sa San Fernando, agad na naghigpit sa pagsasagawa ng inspeksyon sa mga ipinapasok na trucking ang iba’t ibang pantalan sa lalawigan alinsunod na rin sa mga executive order na inilabas ng iba’t ibang lokal na pamahalaan.