Hinihikayat ng lokal na pamahalaan ng Odiongan ang mga botante na boboto bukas ng kanilang leader para sa Barangay and Sangguniang Kabataan elections na maging wais sa pagpili.
Sa isang facebook post ng alkalde ng Odiongan na si Mayor Trina Firmalo-Fabic sinabi nito na mas mainam na hindi tumatanggap ang botante ng pera kapalit ng kanilang boto.
Tanong nito, kung ang isang kapitan o kagawad na uupo ng 2 taon sa kanyang termino ay sasahod lang ng P200K hanggang P240K, ay namimili ng boto, ano umano ang posibleng motibo nito.
Paalala pa nito sa publiko, kung ang politiko ay malaki ang ginastos, malaki rin umano ang babawiin nito kung nakaupo na.
“Mas maganda na hindi tayo tumanggap ng pera kapalit ng ating boto. Kung tumanggap man tayo, alalahanin na wala pa rin tayong obligasyon na sumunod o bumoto sa nagbigay sa atin ng pera. Walang dahilan para matakot tayo sa kanila,” ayon sa pahayag ng alkalde.
Hinihikayat nito ang mga botante na bumuto ng tamang leader.
“Bumoto sa tingin ninyong makakatulong sa barangay. Sana yung magiging mabuting ehemplo – walang masyadong bisyo, hindi sugarol o lasenggo, mapinalanggaon sa pamilya. Yung nagbibigay ng tapat na serbisyo at tumutulong sa kabarangay, eleksyon man or hindi. Hindi yung tutulong kasi may kapalit na boto,” pahayag ng alkalde.
Hiling pa ng alkalde na sana ay magiging katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagpapaunlad ng bayan ang mauupo sa mga posisyon sa barangay at hindi ang mga magiging sunud-sunuran lang sa mga bossing sa pulitika.
“Tandaan, ang kapalaran ng barangay ninyo at buhay ninyo ay nasa sa inyong mga kamay,” paalala pa ng alkalde.