Maliban sa Sibuyan, binabantayan na rin ngayon ng Office of the Provincial Veterinarian (Provet) ng Romblon ang bayan ng San Jose sa Carabao Island dahil sa ulat na may ilang baboy rito ang nagkasakit at nasawi nitong nakalipas na mga linggo.
Sa panayam ngayong Lunes ng PIA Romblon kay Dr. Paul Miñano ng Provet, sinabi nito na nagsagawa na sila ng test sa mga nasawing baboy sa isla para matukoy ang posibleng dahilan nang pagkamatay ng mga ito.
Aniya, hanggang ngayon ay wala pang resulta na ibinabalik sa kanila mula sa Department of Agriculture.
Dahil parin sa pagkamatay ng mga baboy sa Carabao island, nagpalabas na ng executive order si Santa Fe mayor Elsie Visca na naguutos sa pansamantalang pagbabawal ang pagpasok sa kanilang lugar ng mga baboy at mga by-products nito.
Ayon sa executive order, kailangan ng lokal na pamahalaan na gumawa ng precautionary measure para makontrol ang pagkalat ng suspected cases ng African Swine Fever o ASF, isang sakit na pumapatay sa mga baboy.
Inatasan na rin ni Mayor Visca ang Municipal Agriculture Office, Santa Fe Municipal Police Station at mga Punong Barangay na higpitan ang pagbabantay sa kanilang entry points at magkaroon ng barangay border control.
Pinayuhan na rin nila ang kanilang mga hog raisers na mag-ulat sa kanila kung sakaling mamatayan ng mga baboy dahil sa parehong sintomas na sakit.