Hinihikayat ng Cooperative Development Authority o CDA ang publiko na magpa-miyembro sa mga kooperatiba para mapakinabangan ng mga ito ang mga benepisyaryong handog ng mga lihitimong kooperatiba sa probinsya.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong October 3, sinabi ni Helen Servañez ng CDA Romblon na napakaraming benepesyo ang handog ng mga kooperatiba maliban sa pagpapautang.
“Sa mga hindi pa member, magpa-member na po kayo kasi ngayon ay namamayagpag na ang mga kooperatiba natin at magiging part na kayo ng negosyo,” pahayag ni Servañez.
Paliwanag ni Servañez, may iba’t ibang benepisyo ang pagiging miyembro ng iba’t ibang kooperatiba kagaya na lamang ng ilang benepisyong medikal, o kumita ng dibidendo at iba pang benepisyo depende sa sasalihang kooperatiba.
Sa ngayon, 44 sa 97 ang aktibong kooperatiba sa probinsya at ang pinakamalago rito ay ang St. Vincent Ferrer Parish Multi-Purpose Cooperative at Kadbayan Multi Purpose Cooperative na nakabase sa Odiongan.
Para makasali, pumunta lamang umano sa napili nilang kooperaiba at dumalo sa kanilang Pre-registration seminar at magbigay ng paunang share.