Masayang ibinalita ni Odiongan Vice Mayor Diven Dimaala na nakamit ng lokal na pamahalaan ang pinakalayunin ng “mandatory wearing of helmet” ordinance na ipinatupad sa Odiongan noong August 1.
Sa isang panayam nitong Huwebes, sinabi ni Dimaala na mula nang ipatupad ang ordinansa ay wala pang nasasawi sa mga aksidente sa bayan na head injury ang dahilan.
Dagdag pa nito, dahil umano sa mahigpit na pagpapatupad sa ordinansa ng Odiongan Traffic and Management Unit (OTRU) at ng Odiongan Municipal Police Station, mahigit 90% nang mga motorista ay nagsusuot na ng helmet tuwing nasa kalsada.
Malaking bagay umano ang pagsunod nila sa ordinansa kung bakit nabawasan ang mga aksidenteng may casualty dahil sa pagkakabagok sa ulo.
Batay sa ordinansa, ang mahuhuling hindi nakasuot ng helmet habang nakasakay sa motorsiklo ay magmumulta ng P500 hanggang P1,500. Ayon pa sa ordinansa, ang pagsusuot ng helmet ay kailangan tuwing sasakay ng motorsiklo malayo man o malapit ang pupuntahan.