Tiniyak ni Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito G. Galvez, Jr. na hindi nito pababayaan ang mga dating rebelde, mga pamilya ng mga ito at ang komunidad.
Ayon kay Sec. Galvez, aalagaan aniya ng kanyang tanggapan ang mga former rebels tulad nang naipangako nya sa Pangulo sa pagpupulong ng NTF-ELCAC kamakailan.
Nabanggit din nito sa kanyang talumpati si Jerwin Castigador at ang nasa 56 mga dating rebelde sa Palawan na dumalo sa pagbisita ng Pangulo.
“We at the OPAPRU are ready to roll out the wholistic transformation program for former rebels, as their families and communities. Mr. Jerwin Castigador is here and 56 FRs Mr. President, we will take care of them. As we have promise to you that there will be no more recurrence of insurgency in the country” and pahayag ni Sec. Galvez.
Si Jerwin Castigador ang tumatayong Pangulo ng Kapatiran ng Dating Rebelde o KADRE, ang kauna-unahang organisasyon ng mga dating rebelde na nabuo sa Palawan.
Sinabi pa ni Galvez na ang susi para makamit ang insurgency-free province ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng good governance, pagsunod sa rule of law, at pagsiguro na kasama sa programa ang mga mamayaman.
Pinuri rin nito ang mga lokal na pamahalaan ng Palawan at Lungsod ng Puerto Princesa dahil nagawa ng mga ito ang nilalayon na maging insurgency-free ang lalawigan.
Si Sec. Galvez din ang nagpakilala sa Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos, Jr. bilang panauhing pandangal sa pagbubukas ng Selebrasyon ng National Peace Consciousness Month 2023 at nanguna sa pagdi-deklara ng Palawan Island bilang insurgency-free.
Ang National Peace Consciousness Month Celebration ay may temang ‘Kapayapaan, responsibilidad ng bawat mamamayan’ kung saan ang pagdiriwang nito ay ayon sa Presidential Proclamation No. 675 na nilagdaan noong 2004. (OCJ/PIA Mimaropa – Palawan)