Hindi pa bumababa ang presyo ng bigas sa probinsya ng Romblon kasunod nang pagpapatupad sa buong bansa ng ‘price cap’ sa presyo nito na itinakda ng Executive Order 39 ni Pangulong Marcos Jr.
Sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Romblon provincial director Noel Flores na nagsimula na silang mag monitor ng presyo ng mga bigas sa Odiongan Public Market.
Sa ngayon kasi naglalaro parin sa P54 hanggang P60 kada kilo ng mga bigas sa Odiongan Public Market.
Nilinaw nito na sa ngayon ay price monitoring pa lamang ang puwede nilang gawin dahil batay umano sa Price Act ay trabaho ng Department of Agriculture (DA) ang mag-monitor sa mga agricultural products.
“For now, ang instruction ay mag monitor ang DTI para kunin ang inventory ng mga retailers. Dito namin malalaman ‘yung pangalan ng supplier, magkano ang bili nila ng bigas, ilang sako pa ‘yung supply, at gaano nila ito katagal maibebenta, at magkano ang kanilang magiging lugi kung ipatutupad itong P41 at P45,” pahayag ni Flores.
Aniya, ang mataas na gastus bago mapunta sa palengke ang mga bigas ang siyang nakakadagdag sa pagtaas ng presyo nito kagaya ng trucking, at iba pang kabahagi ng supply chain.
Nakikipag-ugnayan na rin umano ang DTI Romblon sa DA, CIDG, at sa local price coordinating council para sa pagpapatupad ng EO 36.