Nangangambang malugi ang ilang retailer ng bigas sa Odiongan, Romblon dahil sa itinakdang “price cap” sa bigas ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Base sa Executive Order No. 39, na pinirmahan ni Pangulong Marcos Jr., noong Agosto 31, ang regular milled rice ay maibebenta hanggang P41 kada kilo lamang at ang well milled rice ay hanggang P45 kada kilo.
Ayon sa ilang retailers ng bigas sa Odiongan Public Market na nakausap ng Romblon News Network nitong Martes, malaki pa umano ang bili nila sa supplier ng mga mga stocks nila ng bigas kaya malabo umanong maibenta ito sa mababang presyo.
“Kung matutulungan kami ng gobyerno na maubos itong nabili naming bigas sa mga distributor, at makabili kami ng murang bigas sa distributor, baka kaya na namin ibaba ‘yung presyo namin dito,” pahayag ng isa sa mga retailer ng bigas sa palengke.
Dagdag naman ng kasama nito, dapat umanong magsimula ang paghihigpit sa presyo sa mga distributor at hindi umano nagsimula sa retailer dahil mga negosyante lamang umano silang umaasa sa buy-and-sell ng bigas.
Nag-ikot na ngayong Martes ang mga tauhan ng Department of Trade and Industry – Romblon sa Odiongan Public Market para magsagawa ng profiling sa mga nagbebenta ng bigas.