Opisyal nang sinimulan noong Setyembre 4, ang selebrasyon ng ika-sampung taon na pagkakatatag ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa bansa.
Kaugnay nito, ginanap ang kick-off activity ng naturang selebrasyon sa rehiyon ng Mimaropa sa pamamagitan ng isang motorcade sa kahabaan ng J.P. Rizal St. ng Lungsod ng Calapan na sinundan naman ng pagbubukas ng PSA 10th anniversary Exhibit sa Nuciti Central Calapan na kinapapalooban ng mga pinakahuling resulta ng statistical operations ng naturang ahensiya.
Bukod sa mga nabanggit na aktibidad, naghatid din ng libreng serbisyo ang ahensiya para sa mga indibidwal na nagnanais kumuha ng PhilSys o Philippine Identification System, ayon na rin sa nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na PhilSys Act Republic Act No. 11055.
Mas inilapit din ang serbisyo ng ahensiya sa mga mamamayan na nagnanais kumuha ng mga Civil Registry Documents kagaya ng Birth Certificate, Death Certificate, Cenomar, at iba pa.
Sa isinagawang kick-off activity, hinimok ni PSA Mimaropa Regional Director Leni R. Rioflorido na suportahan ang mga nakahanay pa na mga aktibidad ng PSA para sa mag susunod na buwan, gayundin ang mga programa ng ahensiya na nakatutulong sa pamahalaan upang gumawa ng mga polisiya at proyekto na naaayon sa pangangailangan ng mga mamamayan. (JJGS/ PIA Mimaropa-Oriental Mindoro)