Makakatanggap ng tig-P15,000 na tulong pangkabuhayan mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA ang may 50 na napiling benepisyaryo mula sa bayan ng Romblon, Romblon sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program ng ahensya.
Ang mga benepisyaryo ay sumailalim na sa Microenterprise Development Training (medt) na ginanap noong nakaraang buwan.
Ang Sustainable Livelihood Program ay isang community-based na programa ng DSWD na naglalayon na magbigay ng pagsasanay para mapabuti ang mga benepisyaryo sa aspeto ng sosyo-ekonomiya.
Layunin din ng training na ginanap na mabigyan ng sapat na kaalaman sa pagiging entrepreneur ang mga makakatanggap ng tulong upang maging epektibo at matagumpay ang pagpapatuloy at pamahalaan ang kani-kanilang mga napiling negosyo.
Pinangunahan naman ni Leezyl Mitzi Shamn Moscoso, Capacity Building Focal, ang usapan tungkol sa microenterprise development kasama ang mga Project Development Officers na sina Cloyd De Villena at Gilbert F. Fabella.
Isa rin sa mga nagbahagi ng kaalaman tungkol sa livelihood at entrepreneurship ay ang Philnet RDI Coordinator na si Rolando R. Tan na siya ring nangunguna sa Philippine Network of Rural Development Institutes o ang Philnet RDI na katuwang ng SLP- Romblon.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad sina Hon. Atty. Gerard S. Montojo, Mayor ng Romblon at Francis Riano, Assistant ng Bise Gobernador Hon. Armando Gutierrez .
Ang mga benepisyaryong makakatanggap ng tulong ay kabilang sa mga individual referrals na nanggaling sa Bise Gobernador ng Romblon na si Hon. Armando Gutierrez.