Magsasanay sa ilalim ng Romblon National Institute of Technology (RNIT) ang may 25 Persons Deprived of Liberty o PDL sa Romblon District Jail sa bayan ng Romblon, Romblon sa paggawa ng tinapay sa ilalim ng kursong Bread and Pastry Production NC II.
Nagkaroon na ng induction para sa training ang Technical Education And Skills Development Authority (TESDA) Romblon noong Miyerkules, September 20, kung saan dumalo ang mga kinatawan ng ahensya, RNIT, at Bureau of Jail Management and Penology.
Sa isang pahayag, sinabi ni Jail Senior Inspector Roberto Benzon na malakaing bagay para sa mga PDL ng Romblon District Jail ang training. Nagpasalamat rin ito sa TESDA dahil napili sila para sa programa.
Sinisiguro naman ni Engr. Lynette Gatarin, acting provincial director ng TESDA Romblon na walang babayaran ang 25 PDL sa programa dahil libre itong handog sa kanila ng pamahalaan.
Sinabi rin ni Engr. Gatarin na bukas ang kanilang opisina para sa mga kahilingan ng mga PDL kung meron pa silang gustong kurso o programang nais sanayin.
Samantala, kasabay ng induction program ay naghandog ng toiletries at tsinelas ang mga kawani ng TESDA Romblon at Romblon National Institute of Technology sa mga residente ng Romblon District Jail bilang tulong sa kanilang araw-araw na pangangailangan sa lugar.