Tumanggap ng mga toolkits ang aabot sa mahigit 170 Romblomanong scholar ng Technical Education and Skills Development Authority nitong August 23-25 kasabay ng pagdiriwang ng National Tech-Voc Day at 29th year anniversary ng ahensya.
Sa Romblon, Romblon, 20 na nagtapos sa pastry production NCII at 20 rin na nagtapos sa Organic Production NCII ang nakatanggap ng mga gamit.
May 114 naman na nagtapos Dressmaking NCII, Raise Organic Hogs, Plant Crops, at Process Food by Sugar Concentration, ang nagtapos sa bayan ng Odiongan at Ferrol.
Sa Romblon National Institute of Technology naman sa Alcantara ay may 25 nagtapos sa Produce Organic Concoctions & Extracts course.
Ayon kay Engr. Lynette Gatarin, OIC ng TESDA Romblon, ang mga libreng kursong inalok ng TESDA sa ilalim ng 2022 Special Training for Employment Program o STEP ay pinondohan ng opisina ni Congressman Eleandro Madrona.
Kabilang sa mga natanggap na gamit ng mga nagsipagtapos ay oven, mixing bowl, measuring cops para sa pastry; portable sewing machine, fabric cutting shears at iba pa para sa nagtapos sa dressmaking, at iba pang kagamitang tiyak magagamit ng mga nagsipagtapos.
Layunin ng TESDA sa programang ito na maturuan ang mga Romblomanon ng basic skills sa kinuha nilang kurso at mabigyan rin ng gamit na magagamit sa pagsisimula nila ng negosyo.