Isang pumpboat na lulan ang mga pasahero mula sa Calatrava, Romblon ang lumubog habang nasa biyahe patungong Simara island, Romblon pasado ala-una ngayong hapon.
Sa inisyal na impormasyon, ang ilan sa mga pasahero ng bangka ay mga kabataang dumalo sa isang summer youth camp ng isang simbahan sa bayan ng Odiongan nitong linggo.
Ayon kay Corcuera Mayor Elmer Fruelda, aabot sa 111 ang sakay na pasahero ng bangka, 5 naman ang crew.
Sa bilang na ito, nasawi ang isang ginang na treasurer ng Barangay Tacasan sa bayan ng Corcuera. Kinumpirma ng attending physician ng bayan na “cardiac arrest” ang sanhi ng pagpanaw ng isang pasahero.
Sinabi ni Fruelda na tinitingnan ng otoridad ang posiblidad na overloaded ang MBCA King Sto. Nino 7 dahil lumagpas ng isang daan ang sakay nito malayo sa normal na 60-80 capacity ng bumabiyahe sa lugar.
Samantala, sa ulat ng Philippine Coast Guard ay aabot lamang sa 95 ang sakay ng bangka mula sa 96 na maximum capacity nito.
Nailigtas na ng mga rescuers ng Corcuera MDRRMO, Provincial Gov’t at ng Coast Guard ang mga pasahero at nadala na sa isla ng Simara. Nilapatan na rin ng paunang lunas ang mga nasugatan habang ang ibang pasahero ay nakauwi na sa kanilang mga bahay.