Siyam (9) na patay na pawikan, karamihan ay mga babae, ang magkasunod na natagpuan ng mga residente ng limang barangay sa Romblon, Romblon sa loob lamang ng anim (6) na araw.
Sa ulat ng Municipal Environment & Natural Resources Office (MENRO) ng bayan ng Romblon, Romblon, ang mga pawikan ay natagpuan ng mga residente sa mga barangay ng Hinablan, Agnipa, Agpanabat, Lunas, at Calabogo. Ang mga pawikan ay may mga tama sa ulo.
Aniya, posibleng dynamite fishing ang dahilan nang mga pagkamatay ng mga pawikan dahil sa pare-pareho ang tama ng mga ito.
“Almost everyday ay may inirereport sa aming mga patay na pawikan. Alam na ito ni Mayor at makikipagpulong na sa iba’t ibang concern agencies kaugnay dito,” pahayag ni MENRO Psyche Mariño sa Romblon News Network.
Sa isang pahayag, sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – Romblon na wala pang ulat sa kanila ang MENRO Romblon kaya hindi pa sila makakapagbigay ng pahayag.
Samantala, sinabi ni PMSg Ivee Kareen Ragasa ng Maritime Police Station sa Romblon na hindi pa nila nasisiguro na dynamite fishing ang dahilan nang pagkamatay ng mga pawikan dahil kailangan pa nila itong imbestigahan ng mas malalim.
Wala rin umano silang namomonitor na nagsasagawa ng dynamite fishing sa probinsya.