Umabot na sa 69 ang naitalang nagpatingin sa doktor sa iba’t ibang pagamutan sa isla ng Sibuyan sa Romblon matapos makaranas ng pamamanhid ng katawan matapos kumain ng nabiling tahong.
Batay sa pinakahuling datus ng San Fernando Rural Health Unit, sa 69 na naitala ay 18 ang kasalukuyang nanatili sa Sibuyan District Hospital at sa Health Center.
Sa isang panayam nitong Biyernes, sinabi ni San Fernando mayor Nanette Tansingco na posibleng Paralytic Shellfish Poison (PSP) ang tumama sa mga residente ng bayan.
“Yung mga nabiktima, karamihan sila nakaramdam ng pamamanhid ng katawan na para daw silang na-stroke. May mga nagmamanhid ang dila, at bibig. May mga nagka-LBM at may abdominal pain,” pahayag ng mayora na isa ring doktor.
Dahil sa insidente, agad na pinatigil ng alkalde ang pagbebenta ng mga tahong na inangkat mula Roxas City.
“Kinumpiska na ng LGU yung mga tahong, at susuriin ng BFAR,” dagdag pa nito.
Nakikipag-ugnayan na umano ang lokal na pamahalaan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Region 6 para magsagawa ng pagsusuri sa mga natirang mga tahong.
Maliban sa 65 na biktimang naitala ng San Fernando, sinabi ng alkalde, na may ilang nabiktima rin sa iba pang bayan sa bayan sa Sibuyan ng tahong na posibleng apektado ng red tide.
Samantala, batay sa pinakahuling advisory ng BFAR, walang nakataas na red tide warning sa Visayas as of July 28, 2023.