Ibinida ang iba’t ibang produkto mula sa mga lalawigan ng Romblon, Palawan at isla ng Mindoro sa isinagawang pormal na pagbubukas ng ‘Kalakalan sa Buwan ng Wika’ noong Agosto 12 sa CitiMall, Calapan City, Oriental Mindoro.
Pinangunahan ng Department of Trade Idustry (DTI) Oriental Mindoro ang naturang gawain na may temang “Piyesta ng Galing ng Mindoreño, Para sa Mundo! Gawang Lokal, Gawang may Pagmamahal.”
Isa sa mga layunin ng naturang gawain ay ang maipakilala sa mas malaking merkado ang mga produktong gawa sa Mimaropa at gayundin upang gawing mas masigla ang selebrasyon ng buwan ng wika ngayong Agosto.
Ayon kay DTI Oriental Mindoro Provincial Director Arnel Hutalla, bunga ang naturang gawain ng matagumpay na pagdaraos ng aktibidad noong nakaraang taon. Ayon kay Hutalla ay higit na nabibigyan ng pagkakataon na maipamalas at maipagmalaki ng mga Micro Small Medium Enterprises (MSMEs) ang kanilang mga produkto. Tatagal ang aktibidad hanggang ika-16 ng Agosto. (JJGS/PIA MIMAROPA)