Nagtanim ng mga bakawan ang mga kabataan mula sa bayan ng Odiongan, Romblon nitong umaga ng Biyernes, August 18, bilang bahagi sa pagdiriwang nila sa Linggo ng Kabataan, na may temang: “Green Skills For Youth: Towards A Sustainable World”.
Pinangunahan ang mangrove tree planting activity ng Federation of Sangguniang Kabataan of Odiongan, Local Youth Development Council, at Local Government Unit of Odiongan.
Kasama sa mga dumalo ang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan mula sa iba’t-ibang barangay sa pangunguna ni SK Federation President Mike Foja.
Nakiisa rin ang iba’t-ibang organisasyon na kasapi ng Local Youth Development Council, mga opisyal ng Barangay Budiong, kawani mula sa Odiongan Municipal Police Station at High Patrol Group, mga miyembro ng mga fraternities sa bayan, ang Save and Change Organization, at ang kasalukuyang Binibining Odiongan na si Shieann Sanchez.
Dumalo rin si Vice Mayor Diven Dimaala upang suportahan ang mga kabataang nagtanim ng mga bakawan.
Ayon sa mga organizer ng event, layunin ng aktibidad na palaganapin ang kamalayan ng mga kabataan sa kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan, partikular na sa pagpapalaganap at pagpapalago ng mga bakawan.
Ang mga bakawan ay mahalaga sa pagprotekta sa baybayin laban sa matinding alon tuwing may kalamidad, at ito rin ay itinuturing na tahanan ng iba’t-ibang uri ng mga isda, crustaceans, at iba pang water-dwelling species.
Nagpahayag ng pasasalamat ang Lokal na Pamahalaan ng Odiongan sa lahat ng mga kabataang nakiisa sa aktibidad at nag-ambag ng kanilang oras at pagsisikap.
“Lubos na nagpapasalamat ang Lokal na Pamahalaan ng Odiongan sa lahat ng kabataang nakiisa at naglaan ng kanilang panahon para maging matagumpay ang aktibidad. Ipagpatuloy natin ang pagsisikap na maprotektahan at mapagyaman ang ating kalikasan,” pahayag ng Odiongan Public Information Office.