Ipinahayag ng Philippine Statistics Authority – Romblon na mapapakinabangan ng mga Romblomanon ang pagbagal sa inflation sa probinsya kung magtutuloy-tuloy ito hanggang sa susunod na mga buwan.
Sa ginanap na press conference sa PSA Romblon, sinabi ni Chief Statistical Specialist Engr. Johnny Solis na may epekto ang datus ng inflation kung may nakikitang trend sa pagbagal ng inflation sa probinsya.
Nitong Hulyo 2023 ay nakapagtala ang PSA ng 6.4 percent inflation sa probinsya, pinakamababa ito mula pa Pebrero 2023.
“Masasabi natin na hindi ganun kabilis ang pagtaas ng presyo, ay magiging kapakipakinabangan yan sa ating mga mamamayan at mararamdam yan ng ilang buwan pa hanggang dumating nanaman ‘yung time na tataas nanaman yan dahil sa paparating na holiday season,” pahayag nito.
Batay sa report ng PSA, ang tuloy-tuloy na deflation sa presyo ng gasulina at diesel sa Romblon ay nakakatulong para bumagal rin ang inflation naman ng ilan pang commodity groups kagaya ng pagkain, inumin, at iba pang produktong binibili sa labas ng probinsya.