Magpapaabot ng tulong ang pamahalaang panlalawigan at ang lokal na pamahalaan ng Corcuera sa pamilya ng nag-iisang nasawi sa aksidente sa dagat noong nakaraang Sabado ng hapon.
Sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA) Romblon, sinabi ni Governor Jose Riano na magbibigay ng P25,000 na paunang assistance ang pamahalaang panlalawigan sa pamilya.
Ang nasabing tulong ay dagdag sa P50,000 na ipapaabot naman ng lokal na pamahalaan ng Corcuera.
Magkakaroon naman ng debrifeing ang Corcuera Municipal Social Welfare & Development Office sa lahat ng nakaligtas sa trahedya upang matulungan ang mga ito sa trauma na kanilang naranasan. Tatanggap rin sila ng P5,000 na ayuda mula sa pamahalaang panlalawigan at food packs kada pamilya.
Sabado nang hapon nang lumubog ang sinasakyan ng mga ito na MBCA King Sto. Niño 7 sa Tablas Strait habang naglalayag patungong Corcuera Port.
Ayon sa kapitan ng bangka, nabutas ang kanilang bangka dahilan upang pasukin ito ng tubig at lumubog.