Nalalapit na ang ang pasukan ng mga estudyante sa susunod na linggo at masigasig na ang paghahanda ng Department of Education sa mga paaralan sa rehiyon para tiyakin ang ligtas, maayos, at handang pagbabalik sa pisikal na pag-aaral ng mga estudyante.
Sa ginanap na 3rd Quarter Regional Press Conference ng Department of Education Mimaropa nitong Huwebes, August 24, sinabi ni DepEd Romblon Schools Division Superintendent Roger Capa na nagsagawa na sila ng mga minor repair sa mga classroom na konektado sa kautusan ng DepEd.
Pahayag pa ni Capa, nagdagdag na sila ng karagdagang mga guro sa Division ng Romblon upang maabot ang kaukulang student-teacher ratio sa lalawigan.
“Nabigyan tayo ng 27 bagong teacher items, at ito’y naappoint na rin natin. Maliban pa rito napalitan na rin natin — nakapag-appoint na tayo ng mga guro na pumalit doon sa mga nagretire,” ayon kay Capa.
Karagdagan din sa paghahanda ng ahensya, naibahagi rin ni Capa na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Public Works and Highways para sa kalagayan ng mga bagong gawang mga silid-aralan para makahabol sa pasukan at nakikipag-ugnayan na rin umano sila sa mga lokal na pamahalaan para sa karagdagan pang mga silid-aralan.
Batay sa datus ng DepEd Romblon, aabot sa 74.5% o mahigit 64,000 na mga estudyante ang nakapag-enroll na sa buong lalawigan at inaasahang madagdagan pa ito.
Samantala, nagpasalamat si Capa sa mga nakiisa sa preparasyong ito at nasabing ito ang kagandahan sa pamayanan ng Romblon.
“Ang Edukasyon ng kabataan ay hindi solong responsibilidad ng DepEd kundi responsibilidad ng buong pamayanan” pahayag ni Capa kung bakit naging matagumpay ang naging Oplan Balik Eskwela sa Romblon ngayong taon.
The author is an intern of Romblon News Network taking Bachelor of Arts in Broadcasting at Polytechnic University of the Philippines.