Pinaburan ng Department of Education (DepEd) Mimaropa ang Deped Order No. 21 na pinatupad ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte o ang pagbabaklas ng mga dekorasyon sa loob ng classroom.
Sa ginanap na press conference ng DepEd Mimaropa kamakailan, sinabi ni Regional Director Nicolas Capulong na sumasang-ayon siya at nilinaw na ang estruktura ng silid-aralan ay dapat umano simple, maayos, at malinis.
Ipinaliwanag niya na ang sobra-sobrang dekorasyon sa mga silid-aralan ay hindi nakakatulong sa interes ng mga bata sa pag-aaral at nagdudulot lamang ng distraction at confusion.
“Ito po ay nakakagather ng dust” patungkol sa mga dekorasyon, aparador, at mga poster sa silid-aralan na maaaring magdulot at makapag-ambag sa mga sakit sa baga ng mga mag-aaral,” dagdag ni Capulong.
“Nawawala ang purpose ng silid-aralan — puno ng mga aparador at Instruction materials,” dagdag pa nito. Binanggit din ni Capulong na may mga pag-aaral na nagpapatunay na ang sobrang dekorasyon at kalat ay hindi nakatutulong sa pag-aaral ng mga estudyante.
Sa ipinatupad na mga alituntunin sinabi ni Duterte na, “school grounds, classrooms and all their walls and other school facilities are clean and free from unnecessary artwork, decorations, tarpaulin and posters at all times.”
The author is an intern of Romblon News Network taking Bachelor of Arts in Broadcasting at Polytechnic University of the Philippines.