Hindi hadlang ang patuloy na buhos ng ulan sa lungsod na ito upang ipatupad ang Comelec checkpoint sa kahabaan ng Nautical Hi-way sa Brgy. Sta. Isabel pagsapit ng hatinggabi noong Agosto 28 kasabay ng implementasyon ng gun ban bilang paghahanda sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong darating na Oktubre 30.
Ininspeksiyon ni Police Regional Director, Police Brigadier General Joel B. Doria kasama si City Commission on Election (COMELEC) Officer Atty. Suminigay Mirindato at Calapan City Police Chief, LtCol. Danilo Driz ang mga pulis na nakatalaga sa Km.5, Sta. Isabel junction upang paalalahanan ang kanilang mga tungkulin sa pagpapatupad ng checkpoint sa lugar.
Paalala ni Doria, kausapin ang mga motorista na may paggalang at pakiusapan na ipapatay o ibaba ang headlight ng sasakyan, ipababa ang mga bintana at sabihan na buksan ang ilaw sa loob ng sasakyan at kung kinakailangan ay tingnan ang mga lisensiya ng driver o rehistro ng sasakyang minamaneho.
Samantala, sinabi ni City Comelec Officer Mirindato na, “Lahat ng mga nakasaad sa Comelec Resolution No. 10924 sa pagpapatupad ng mga checkpoint ay kailangan isagawa tulad ng pagrespeto sa karapatang pantao ng mamamayan. At sakaling makaranas ng mga problema o katanungan sa mga isinasagawang checkpoint ang mga operatiba ay huwag mag-atubili na ako’y tawagan.”
Dagdag pa ni Mirindato, sa ilalim ng resolusyon na ipinatutupad, visual search lamang sa mga motorista ang gagawin maliban na kailangan din magsagawa ng warrantless arrest sa mga taong may paglabag sa mga ipinatutupad na batas na nakasaad din sa Omnibus Election Code partikular ang pagdadala ng mga armas na hindi otorisado ng Comelec.
Kasabay ng pagsasagawa ng mga checkpoint ay ipinatutupad na rin ang Comelec Gun Ban na inilunsad sa Calapan City Police Station (CPS) na dinaluhan ni Delorino, Tambasacan, Mirindato, City Mayor Malou Morillo, PLtCol Danilo Driz ng Calapan CPS, Pastor Hernando Pama at buong hanay ng mga pulis ng lungsod.
Ang implementasyon ng checkpoint ay ipinatupad noong Agosto 28 na magtatapos sa Nobyembre 29 na ayon sa Comelec Omnibus Election Code kasabay ng gun ban bilang paghahanda sa darating na BSKE sa Oktubre 30. (DN/PIA Mimaropa-OrMin)