Pormal nang ipinagkaloob sa Civil Service Commission (CSC) ng lokal na pamahalaan ng San Agustin ang deed of donation ng lupang pagtatayuan ng opisina ng CSC Field Office Romblon sa bayan.
Dinaluhan mismo ni CSC Chairperson Atty. Karlo Alexei Nograles kasama ang mga commissioner na sina Atty. Aileen Lourdes Lizada at Atty. Ryan Alvin Acosta, at San Agustin Mayor Denon Madrona ang seremonya na ginanap sa CSC Central Office noong August 11.
May laking 600sqm ang ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan sa CSC para sa bago nitong opisina na inaasahang sisimulang itayo sa susunod na taon sa Barangay Poblacion. Sa ngayon, ang opisina ng CSC Field Office Romblon ay matatagpuan sa loob ng kapitolyo ng probinsya.
Sa isang mensahe, nagpasalamat si CSC Chairperson Atty. Nograles sa lokal na pamahalaan ng San Agustin at kay San Agustin Mayor Denon Madrona sa pagbibigay sa kanilang ahensya ng lupang pagtatayuan ng bagong opisina ng CSC sa probinsya.
Inaasahang pagnatapos ang bagong opisina ng CSC sa San Agustin ay mas mailalapit nito ang serbisyo ng ahensya sa mga publiko lalo na sa mga residente ng 7 bayan sa isla ng Tablas kabilang na ang San Agustin.