Tatlumpu’t tatlo (33) mga bangka na gawa sa fiber glass ang ipinamahagi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga mangingisda sa probinsya ng Romblon sa ilalim ng F/B Pagbabago Program ng ahensya.
Ang mga bangka ay may habang 27ft at may kasama pang 16 horsepower na marine engine na ikakabit sa bangka kapag ito ay gagamitin na.
Ang F/B Pagbabago ay isang banner program ng ahensya na nagsimula noong 2016 para tumulong sa mga nasalanta ng Super Typhoon Yolanda ngunit ipinagpatuloy para mas mapakinabangan pa ng maraming Pilipino lalo na sa mga probinsyang pangunahing pinagkakakitaan ng mga residente ang pangingisda.
Ayon kay Sarah Jane Magbanua-Gadon, Technical Staff sa BFAR, nagkakahalaga ng P10-million ang pondong inilaan ng opisina ni dating Senator Kiko Pangilinan para mapagawa ang mga ipinamigay na bangka.
“Mas malaki siya [kumpara sa mga dating bangkang ipinamigay ng BFAR. Siyempre [dito], mas maraming mahuhuling isda ang mga mangingisda natin sa Romblon at mas matibay siya sa alon dahil mas mahaba siya at mas malaki. Naka desinyo talaga yan para sa Romblon, kumbaga, kung ano ‘yung common na ginagamit ng mga mangingisda dito,” pahayag ni Gadon.
Dumalo sa pamamahagi mga bangka sina Luisito Manes, OIC – Admin and Finance ng BFAR Mimaropa, mga kinatawan ng BFAR-Romblon, Provincial Gov’t ng Romblon, at ng lokal na pamahalaan ng Odiongan.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga mangingisdang naging benepisyaryo ng programa.
Sinabi ni Jerry Tombocon, chairman ng Barangay Canduyong, na once in a blue moon lang umano sila makatanggap ng ganito kalaking ayuda kaya sisiguraduhin umano nito na magagamit sa maayos ang bangkang ibibigay sa kanilang barangay. Sinabi ni Tombocon na gagamitin ng kanilang barangay sa pagpapatrol sa nasasakupan nilang baybayin ang bangkang ipinagkaloob ng BFAR.
“Noon ay nanghihiram lang kami sa mga kakilala namin kung may kailangang respondehan sa dagat, pero ngayon ito na, meron na kaming gagamitin,” pahayag ni chairman Tombocon.
Pareho rin ang pasasalamat at tugon ni Nancy Madali, mangingisda mula sa bayan ng Alcantara, na noon ay nangangamuhan lamang sa bangka ng iba.
“Nagpapasalamat ako sa BFAR at sa sponsor ng mga bangka na yan maging sa lahat ng tumulong na mapunta sa amin yan. Magagamit namin ito sa araw-araw naming pagpunta sa dagat,” pahayag ni Madali.