Aabot sa 302 na mga Romblomanon ang tumanggap ng kanilang sahod mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) matapos ang kanilang 10-arawang pagtatrabaho sa ilalim ng TUPAD program ng ahensya.
Ang TUPAD ay isang programa ng DOLE na naglalayong magbigay ng pansamantalang trabaho sa mga manggagawang nawalan ng hanapbuhay o naapektuhan ng krisis at mga sakuna.
Ito ay bahagi ng adhikain ng gobyerno na mapalawak ang access ng mga manggagawa sa trabaho, lalo na sa mga lugar na apektado ng krisis.
Nangunguna sa pagpapamahagi ng sahod si DOLE Usec. Carmela Torres na ginanap sa mga bayan ng Odiongan, San Andres, Alcantara, at Santa Fe.
Kasama rin sa nasabing aktibidad ang kinatawan ni Congressman Eleandro Madrona na naglaan ng pondo para sa programa na umabot sa mahigit P1 milyon.
Ayon sa DOLE Romblon Field Office, ang mga benepisyaryo ay tumanggap ng kabuuang P3,550 na halaga bilang kita mula sa kanilang sampung araw na pagsisikap sa pagtatrabaho.