Ikinabahala ng lokal na pamahalaan ang sunod-sunod na naitatala nilang naaksidente sa kalsada dahil sa kalasingan.
Sa isang pahayag, sinabi ng Odiongan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na lubos nilang kinababahala ito at mahalagang maging responsable sa pagmamaneho.
“Hinihikayat namin ang lahat na maging maingat at maging bahagi ng solusyon sa problemang ito. Kung ikaw ay nagpaplanong uminom, maghanda ng alternatibong paraan ng transportasyon tulad ng pagpapahatid o pagpapasundo sa mga kakilala o kaanak na hindi lasing,” ayon sa Odiongan MDRRMO.
Nitong Linggo ng hapon, dalawang rider ang nagsalpukan sa national road na bahagi ng Barangay Mayha sa Odiongan, Romblon.
Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga driver ng dalawang sasakyan maging ang kanilang mga backride.
Ayon sa pulisya, nasa impluwensya ng alak ang isa sa mga rider.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga aksidente, patuloy ang panawagan ng Odiongan MDDRMO na kung sakaling maaksidente ay mangyaring makipag-ugnayan sa kanilang opisina at tawagan ang mga emergency hotline numbers.
Narito ang mga emergency hotlines sa Odiongan:
Ambulance: 0919 079 8429
Rescue: 0919 079 8427
Fire: 0915 603 1413, 0998 857 8987
Pulis: 0998 598 5891