Umakyat na sa 315 ang naitalang kaso ng dengue sa buong probinsya ng Romblon simula noong Enero hanggang July 14 at sa bilang na ito ay 5 na ang nasasawi dahil sa sakit.
Batay sa datus ng Romblon Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU), nitong nakaraang apat na linggo ay matataas ang naiulat na nagkasakit dahil sa dengue.
Pinakamataas ay nitong July 8 hanggang July 14 kung saan 65 katao ang naitalang nadagdag sa mga tinamaan ng dengue sa probinsya. Ito ang linggong may pinakamataas na kaso ng dengue na naitala ng PESU.
Pinakamaraming kaso naman ang naitala sa bayan ng Odiongan na may 74 na kaso.
Ang bayan ng Looc na may 45 kaso ng dengue ay patuloy na nagsasagawa ng misting operation sa mga pampublikong lugar sa kanilang bayan kasama na ang mga paaralan. Layunin umano nito na mapuksa ang mga pinamamahayan ng mga lamok na nagdadala ng dengue na maaring makaapekto sa publiko.
Batay sa datus, noong taong 2022 ay nakapagtala ang Romblon ng 566 na kaso ng dengue. Mas mataas pa ito sa kasalukuyang datus ng PESU ngayong 2023.