Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong Lunes, June 26, hinimok ng BFAR Romblon ang publiko na agarang magsumbong sa kanilang opisina kung may makita silang mga mangingisda lalo na ang mga commercial fishing vessel na lumalabag sa batas gaya nang pangingisda sa mga municipal waters.
Ayon kay Danny Domingo, team leader ng enforcement team ng BFAR Romblon, nais protektahan ng kanilang ahensya at ng batas ang mga maliliit na mangingisda na nangingisda sa mga municipal waters sa buong lalawigan ng Romblon.
Aniya, agad na kanilang aaksyunan ang mga reklamong matatanggap lalo na at mula ito sa mga mangingisdang Romblomanon.
Samantala, tuloy-tuloy naman ang pamamahagi ng BFAR ng mga ayuda sa mga mangingisda na bahagi ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) program sa mga bayan ng San Andres, Ferrol, Calatrava, SAn Jose, Santa Fe, Magdiwang at Cajidiocan.
Ayon kay Aiko Tabuna ng BFAR Romblon, isa ang probinsya ng Romblon sa napasama sa pagpapatupad ng phase 2 nang programa na naglalayong magbigay ng tulong sa mga magsasaka at mga mangingisda sa loob ng anim na taon.
Ilan sa mga nasimulan nang ipagkaloob ng kanilang ahensya sa ilalim ng BFAR-SAAD ay mga fish net, artificial coral reefs, at iba pang mga interventions na mismong mga asosasyon ng mga mangingisdsa ang humiling.