Nailigtas ng mga rumespondeng rescuers ang mga sakay ng barkong M/V Maria Helena ng Montenegro Shipping Lines na tumagilid at sumadsad sa baybayin ng Barangay Nasunugan sa Banton Island, Romblon.
Ayon sa ulat ng Banton Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, may sakay na 93 pasahero, 36 crew, at 16 na rolling cargoes ang barko.
Sa inisyal na ulat, bandang 10:30 umano ng gabi ay pumutok ang gulong ng isa sa mga truck na sakay ng barko dahilan upang mapunta sa gilid ng barko ang truck na sinundan pa ng iba pang rolling cargoes matapos mapigtas ang mga tali ng mga ito.
Mag-aalas dos ng umaga nang makatanggap ng distress call ang Coast Guard Station Banton mula sa barko.
Agad na nagsagawa ng rescue operations ang mga tauhan ng Coast Guard, MDRRMO, at ang PNP at tumungo sa barko sakay ng mga bangka para iligtas ang mga pasahero.
Kasalukuyang nanatili sa covered court ng barangay ang mga pasahero at inaasahang ibabyahe rin papuntang Tablas island ngayong araw.