Ang mataas na antas ng malnutrisyon ng mga katutubo sa Mimaropa ay nananatiling isa sa mga problemang pangkalusugan sa rehiyon, ayon sa National Nutrition Council (NNC) Mimaropa.
Sinabi ni Keren Faye M. Gaya ng NNC Mimaropa na marami pa ring mga bata sa komunidad ng mga katutubo ang stunted o bansot dulot ng malnutrisyon. Aniya, matagal na itong nireresolba ng mga lokal na pamahalaan, katuwang ang iba pang mga ahensya, subalit marami pa ring batang katutubo ang malnourished batay sa regular na monitoring at survey ng NNC.
“Sa aking opinyon, malaki ang kinalaman ng kahirapan sa mataas na malnutrition incidence sa mga katutubo,” saad ni Jessa Obrador, Barangay Nutrition Scholar (BNS) ng Brgy Lumangbayan, Abra de Ilog.
Ani Obrador, hindi madali ang paraan ng pamumuhay ng mga indigenous people (IP). “Marami sa kanila, umaasa lang sa mga bungang-kahoy sa paligid bilang pangunahing pagkain,” saad nito. May mga pagkakataon din aniya, na isang beses lamang kumain sa isang araw ang ilan sa mga ito.
Ayon naman kay Erly Belen, kasalukuyang tagapamahala ng Municipal Nutrition Action Office (MNAO) ng Abra de Ilog, batay sa kanilang pagtatasa sa nutritional status ng kanilang mga batang katutubo, nasa 90% sa mga ito ay malnourished.
“Isa pang nakakadagdag sa problema ay ang kakulangan sa kalinisan; maraming mga batang katutubo ang nagkakaroon ng bulate dahil sa maruming kapaligiran,” saad ni Belen.
Sinusugan naman ito ni Obrador at sinabing “paulit-ulit naming tinuturuan ng kalinisan ang mga batang katutubo, kasama na ang tamang pagligo,” Pero makalipas lamang aniya ng ilang araw, balik na naman sa pagiging marungis ang mga ito.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Belen na marami ng programa ang ibinaba ng probinsya at mga lokal na pamahalaan sa mga pamayanan ng mga katutubo. Kabilang dito ang livelihood assistance, tulad ng pagkakaloob ng mga kambing at manok na maaaring alagaan at paramihin ng mga IP. Nagbibigay din ng mga mga pagsasanay at libreng binhi ang Department of Agriculture (DA) at lokal na pamahalaan.
“Maraming tulong na ibinibigay ang ating partner agencies sa mga mag-aaral na katutubo,” ayon kay Gaya.
May feeding programs ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Education (DepEd). Ayon pa kay Gaya, tulong na rin ito sa nutrisyon ang mga farm-to-market road program na isinagawa ng iba’t ibang ahensiya na naging daan para mas mapabilis mailabas ng mga katutubo ang kanilang mga produkto at madali rin silang mahatiran ng tulong ng gobyerno.
Subalit sa kabila ng mga interbensyong nabanggit, nanatiling mabagal ang pagbabago sa kabuhayan at kalusugan ng mga katutubo. Lahad ni Belen, maaaring may epekto ang kultura at kinagisnan nilang pamumuhay.
“Pinakasimpleng halimbawa ay sa pagbabakuna, kapag tinanggihan ito ng kanilang Amayan o nakakatandang lider, hindi na rin magpapaturok ang mga ka-tribo nito,” pahayag ni Belen.
Bagama’t mabagal ang pagsulong, tuloy ang ugnayan ng NNC Mimaropa sa mga katuwang na ahensya, gaya ng National Commission on Indigenous Peoples (NICP), para makamit ng mga katutubo ang wastong nutrisyon. Tutulong ang NICP sa pagtuturo sa mga IP leader tungkol sa tamang paghahanda ng masustansyang pagkain, habang ang iba pang partner institutions ng NNC, patuloy na pinag-aaralan ang mga programa na mag-aangat sa pangkalahatang kalusugan ng mga katutubo sa Mimaropa. (VND/PIA Mimaropa-OccMin)