Ipinamalas ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang barangay ng Alcantara, San Agustin, at Ferrol sa probinsiya ng Romblon ang kanilang husay at talento sa ginanap na “PINTAyo Para sa Healthy Pilipinas Painting Contest” noong June 22 bilang pagdiriwang ng Buwan ng No Smoking Month ng Department of Health.
Nagpakita ng kanilang galing at kasanayan ang mga kabataan sa pamamagitan ng mga disenyo at kulay na sumisimbolo sa panganib ng paninigarilyo sa kalusugan at kapaligiran. Ang kanilang mga likhang-sining ay nagpapahayag ng kahalagahan ng malusog na pamumuhay at pag-iwas sa mga bisyo tulad ng paninigarilyo.
Nagdulot ang kompetisyon na ito ng inspirasyon at kasiyahan hindi lamang sa mga mag-aaral kundi pati na rin sa mga hurado at tagamasid. Nakita ang dedikasyon at pagnanais ng mga kabataang ito na maging boses ng kampanya laban sa paninigarilyo sa pamamagitan ng kanilang mga likhang-sining.
Kasabay ng aktibidad na ito ay ang Pista ng Kalusugan para sa Munisipalidad ng Alcantara na pinangunahan ni Dr. Jobin Maestro at kasama ang mga kasangga mula sa Alcantara Rural Health Unit. Nagkaroon ng Kalusugan Parade, Slogan Making Contest, at Booth Designing Contest na sinalihan ng iba’t ibang barangay mula sa Alcantara. Nagkaroon din ng libreng serbisyo tulad ng Konsultasyon sa Medical Specialist, Serbisyong Pang-Dentista, Laboratory Screening, Pamamahagi ng Gamot, at PhilHealth Enrollment para sa mga dumalo sa pagdiriwang.
Kasama rin sa selebrasyon ang butihing Mayor ng Alcantara na si Honorable Riza G. Pamorada na nagbigay ng kanyang mensahe ng suporta sa mga programa para sa kalusugan. Nakapakinggan rin ang mga mensahe ni Dr. Lino Marcus Viola III (OIC-PHO Romblon) tungkol sa Universal Health Care at ni Nurse Ralph Facun (DMO IV-PDOHO Romblon) ukol sa Health Promotion Playbook.
Ang kabuuang gawain para sa kalusugan na ito ay pinangasiwaan ng PHO Romblon sa pakikipagtulungan ng RHU Alcantara, PDOHO Romblon, DOH CHD MIMAROPA, at mga sponsors mula sa Child Family Health International (CHFI) at Northstar Pharmacy. Ipinapakita ng mga ganitong aktibidad ang pagkakaisa at pagsuporta ng komunidad sa mga adbokasiya para sa kalusugan ng mga mamamayan.