Lumahok sa isinasagawang PROPAK ASIA 2023 sa BITEC, Bangkok, Thailand ang anim (6) na Mimaropa Micro Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa tulong ng Department of Trade and Industry (DTI) MIMAROPA.
Nagsimula ang aktibidad noong Hunyo 14 at tatagal hanggang Hunyo 17. Ang PROPAK Asia ay ang pinakatanyag na processing at packaging technology event sa Asya at kasalukuyang nagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag nito.
Sa pamamagitan ng DTI Regional Operations Group, naimbitahan ang mga MSMEs sa lahat ng panig ng bansa, kasama na ang rehiyon ng Mimaropa.
Kabilang sa mga lumahok mula sa rehiyon ay ang Sagana Marinduque; Marinduqueland Corp., Marbello Enterprise; Laudland CCFA 89, Inc. mula Occidental Mindoro; Jao Surublien Pasalubong Center at Reals Food Products mula Palawan.
Nagtayo rin ng booth para sa One Town, One Product (OTOP) Next Gen sa exhibit hall ng naturang venue. Ilan sa mga tampok na mga produkto dito ay ang Marinduqueland’s Sweet Crystal Oil, Marbello’s Cocoong, Laudland’s Cidoy Chocolate Bars, and Real’s Banana Crackers and Coconut Chips. (JJGS/PIA Mimaropa-OrMin)