Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-36 na anibersaryo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nagsagawa ang DENR Romblon ng mobile caravan nitong June 22 sa bayan ng San Agustin.
Layunin ng aktibidad na ito na maghatid ng serbisyo at mag-proseso ng mga permit sa mga residente ng malalayong bayan na hindi madaling makapunta sa provincial office na matatagpuan sa Odiongan.
Sa pamamagitan ng mobile caravan, ang mga tao ay nagkaroon ng pagkakataon na magparehistro ng chainsaw, mag-apply para sa pagputol ng puno, kumuha ng certificate of tree plantation ownership, at mag-apply para sa patent ng mga lupa. Layunin din ng DENR na mas mapadali at mas mapabilis ang pag-access ng mga tao sa mga serbisyong inaalok ng ahensya.
Dumalo sa aktibidad si PENR Officer Arnoldo A. Blaza, Jr. na nagbigay ng suporta at gabay sa mga kawani ng DENR sa pagproseso ng mga dokumento.
Malugod na tinanggap ng mga residente ng San Agustin ang pagdating ng mobile caravan dahil ito ay malaking tulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Bukod sa mobile caravan sa San Agustin, mayroon ding ibang aktibidad ang DENR sa bayan ng Odiongan bilang bahagi ng Philippine Environment Month.
Noong June 23, nagkaroon sila ng coastal clean drive sa Barangay Tabin-Dagat at Ligaya katuwang ang mga opisyal ng Barangay. Kasunod nito, noong June 24, nagsagawa rin ang DENR ng mangrove planting sa Poblacion, Looc bilang bahagi naman ng Arbor Day.