Sa pamamagitan ng tanggapan ng Provincial Agriculturist Office, naghatid ng mga seedlings at vegetable seeds sa mga miyembro ng Indigenous Peoples (IPs) sa Barangay Lanas sa bayan ng San Jose, Romblon nitong Huwebes ang pamahalaang panlalawigan.
Bahagi ito ng programa ng pamahalaang panlalawigang naglalayon na palakasin ang sektor ng agrikultura sa komunidad at suportahan ang mga IP sa kanilang pagtatanim ng mga gulay at iba pang pananim.
Kasama sa ipinamahaging mga kagamitan ang isang unit ng power cultivator at grass cutter sa isang vegetable association sa lugar.
Personal na dumalo sa aktibidad si San Jose Mayor Egdon Sombilon upang ipahayag ang kanyang pasasalamat sa pamahalaang panlalawigan sa pagtugon sa kanilang kahilingan na magkaroon ng mga binhi para sa mga miyembro ng IPs sa kanilang lugar.
Ipinahayag ng alkalde ang kanyang suporta sa mga programa at proyekto na naglalayong palakasin ang sektor ng agrikultura at pangkabuhayan ng mga lokal.