Naglabas ng advisory ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Mimaropa upang ipabatid sa publiko ang impormasyon tungkol sa mga indibidwal na nag-iikot at nagsasagawa ng survey sa mga tahanan at nagpapakilalang kanilang mga tauhan.
Ayon sa DSWD Mimaropa, hindi sila nagsasagawa ng anumang survey o kahalintulad na aktibidad sa kasalukuyan sa buong rehiyon.
Ito ay matapos kumalat ang isang Facebook post na nagpapakilalang dalawang indibidwal mula sa DSWD na nag-iikot sa bayan ng Odiongan sa Romblon upang magsagawa ng survey.
“Pinapayuhan ang lahat na maging mapagbantay at mapagmatyag sa mga nagpapanggap na taga DSWD upang magsagawa ng survey,” ayon sa bahagi ng FB post ng DSWD Mimaropa.
Nananawagan ang DSWD Mimaropa sa publiko na mag-ulat ng mga kahina-hinalang indibidwal o aktibidad sa kanilang komunidad sa pinakamalapit na opisina ng DSWD Mimaropa.