Nakaambang ibalik ng lokal na pamahalaan ng Odiongan ang curfew para sa mga minors at matatanda bilang pag-iwas sa sunod-sunod na nakawan sa mga barangay nitong nakalipas na buwan.
Sa ginanap na Municipal Peace and Order Council (MPOC) meeting nitong Biyernes, June 2, iminungkahi ni Dr. Ramer Ramos na ibalik ang curfew para hindi makalabas ng mga bahay ang mga masasamang loob tuwing gabi.
Batay sa ulat ni Major Edwin Bautista, hepe ng Odiongan Police Station, may kinasuhan na silang suspek sa nangyaring nakawan sa bayan noong nakaraang linggo at ngayon ay kasalukuyan nang nakapiit sa Odiongan Police Station.
Isa rin umano ito sa magiging sagot para mabawasan ang mga aksidente sa kalsada na kadalasan ay nasasangkot ang mga nakainum na mga rider.
Ayon kay acting mayor Diven Dimaala, inaprubahan ng MPOC ang suhestiyon at ipapaabot sa Sangguniang Panlalawigan para marebisa ang kasalukuyang curfew ordinance ng bayan.
Taong 2020 nang magtupad ng curfew hours ang bayan dahil sa Covid-19 pandemic at binago noong 2022 para payagan at mapagbigyan ang mga store owners na makabawi sa naging epekto sa kanila ng pandemic.
Inatasan rin ni Dimaala at Bautista ang mga barangay officials na mas higpitan ang kanilang pagbabantay sa kanilang nasasakupan para masawata ang mga kriminal na nais gumawa ng krimen.