Tatlong magsasaka mula sa bayan ng Corcuera ang nakatanggap kamakailan ng libreng ‘hand tractor’ mula sa lokal na pamahalaan.
Ayon sa Municipal Agriculture Office (MAO), bahagi ito ng paghahanda sa posibleng global food shortage sanhi ng El Niño. Nais ng lokal na pamahalaan na makapagtanim ng maayos ang mga magsasaka sa kanilang isla para mapaghandaan ang posibleng food shortage dahil sa tag-init.
Maliban dito ay namahagi rin ng mga libreng binhi ang kanilang opisina sa iba’t ibang barangay sa bayan.
Sinabi ni Christy Fruelda ng MAO na kanilang sinisiguro sa mga magsasaka sa isla ng Simara na ipapaayos ng LGU ang water system sa isla na pangunahing pangangailangan ng mga magsasaka sa nasabing lugar lalo ngayong tag-init.
Patuloy din nilang hinihikayat ang publiko na magsagawa ng backyard gardening upang makatulong sa pagdagdag sa pagpapanatili ng tamang bilang ng suplay ng mga gulay sa isla.