Ang Mt. Guiting Guiting matatagpuan sa lalawigan ng Romblon ay isa na ngayon sa mga isinusulong na atraksyong panturismo sa rehiyong Mimaropa.
Magkasamang inakyat ang nabanggit na bundok nina Romblon Governor Jose Riano at Department of Tourism (DOT) Mimaropa Regional Director Azucena Pallugna, Ph.D.
Bahagi ito ng promosyon ng mountain tourism sa pamamagitan ng sustainable tourism activities at development.
Binuo ang grupo ng 33 katao, kung saan inakyat ng mga ito ang mga matatarik at mabatong bundok sa loob ng tatlong araw simula Mayo 13 hanggang Mayo 15.
Ang Mt. Guiting Guiting ang pinakamataas na bundok sa Romblon na may taas na 6,752 ft. o 2,058m above sea level. Ito ay matatagpuan sa Sibuyan Island na maituturing na isa sa pinakamahirap na akyating bundok sa bansa.
Inaasahan naman sa pamamagitan ng naturang gawain ay mas mabibigyang pansin ang isa sa mga makabagong anyo ng turismo na patok na patok sa mga kabataan. Sa pamamagitan nito ay inaasahan din ng lokal na pamahalaan na madaragdagan ang daloy ng turismo sa naturang lugar na siya namang magbibigay dagdag kita sa kabuhayan ng mga mamamayan ng naturang lugar. (JJGS/PIA Mimaropa-OrMin)