Pinaghahandaan na ng Provincial Cooperative Development Council (PCDC) ang mga aktibidad kaugnay ng pagdiriwang ng anibersaryo nito at Cooperatives Month sa Oktubre.
Sa isinagawang pagpupulong ng nasabing konseho nitong Mayo 5, 2023 na isinagawa sa Victoriano J. Rodriguez Hall ng gusaling Kapitolyo ay napag-usapan ang mga aktibidad tulad ng Provincial Cooperative Convention at ang National Tripartite Conference.
Napagkasunduan ng konseho na isagawa ang Provincial Cooperative Convention sa Hunyo 14-15, ayon na rin ito sa mungkahi ni Provincial Cooperative Development Officer ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na si Gina Socrates.
Ayon sa kanya, mas maganda oportunidad ito para sa mga kooperatiba sa Palawan dahil isa rin itong pagkakataon na matunghayan ng mga ito ang iba’t-ibang aktibidad sa pagdiriwang ng Baragatan sa Palawan Festival 2023.
Ang nasabing convention ay isa rin sa mga aktibidad ng konseho kaugnay ng anibersaryo nito ngayong Mayo.
Samantala, gaganapin naman sa Lungsod ng Puerto Princesa ang National Tripartite Conference sa buwan ng Oktubre o kaya ay sa unang linggo ng Nobyembre, ayon kay PCDO Socrates kung saan ang Palawan ang punong abala nito.
Ang aktibidad na ito ay kaugnay ng pagdiriwang ng Cooperatives Month kung saan inaasahang nasa mahigit 1,000 partisipante ang dadalo sa pagtitipong ito mula sa iba’t-ibang kooperatiba sa bansa.
Ito ay sa pangunguna ng League of Cooperative Development Officer of the Philippines (LCDO), Cooperative Development Authority (CDA) at mga Kooperatiba.
Sa pagtatapos ng pagpupulong ng konseho, iniulat ni PCDC Chairperson Dr. Romeo A. Valdez na nabigyan na ng CDA ng Certificate of Recognition ang PCDC. (OCJ/PIA-Palawan)