Bahagyang bumagal sa 6.8% ang naitalang inflation rate sa probinsya ng Romblon para sa buwan ng Abril sa kasalukuyang taon kumpara sa 7.0% noong nakaraang buwan.
Batay sa ulat ni Engr. Johnny Solis, Chief Statistical Specialist ng Philippine Statistics Authority – Romblon, nakaapekto ng bahagyang pagbagal ng inflation ang pagbagal rin ng inflation pagdating sa mga pagkain, presyo ng gasulina at diesel, at presyo ng LPG at Kerosene.
Nakitaan rin ng pagbagal ng inflation ang presyo ng mga TV at mga antenna.
Dahil nakita na ang presyo ng pagkain ang madalas na nakaapekto sa pagtaas ng inflation sa probinsya, sinabi ng Department of Agriculture Mimaropa at Provincial Agriculture Office na patuloy ang ginagawa nilang interventions para matulungan ang mga Romblomanon na naapektuhan ng inflation.
Sa pahayag ni Engr. Analiza Escarilla ng DA Mimaropa, sinabi nito na tuloy-tuloy ang pamamahagi nila ng mga high value seeds para makatulong sa pagbaba sa presyo ng mga gulay.
Paliwanag nito, kung marami ang nagtatanim locally, mababawasan umano ang importation ng mga gulay na nagiging dahilan para lumubo ang mga presyo ng mga ito.
Sa parte naman ng Provincial Agriculture Office, sinabi ni Engr. Al Fetalver na may mga programa na rin silang inilalatag para matulungan rin ang mga magsasaka sa probinsya maging ang publiko na gumagastos ng peso.
Batay sa report ng PSA Romblon, ang halaga ng peso ngayong Abril 2023 kumpara noong taong 2018 ay P0.79 na lamang matapos tumaas ang consumer price index sa 125.8.