Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development na isa sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa lalawigan ng Romblon ay nakapasa sa katatapos lamang na 2023 Civil Engineers Licensure Examinations.
Ang bagong Civil Engineer ay kinilalang si Engr. Jiazel Mabunga, 23, at residente ng Romblon, Romblon.
Si Mabunga ay anak ng isang karpentero mula sa Romblon.
“Noong wala pa kami sa 4Ps, hindi talaga kaya na mapagsabay kaming magkakapatid sa pag-aaral. Kaya’t mayroong nagpaubaya at nagsakripisyo na huminto sa pag-aaral,” pahayag ni Mabunga.
Sa tulong ng 4Ps at sa maliit na kinikita ng kanyang mga magulang ay tinapos ni Mabunga ang pag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines.
“Kaya’t maraming salamat sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD sa patuloy na pagtulong sa mga nangangailangan lalo na sa mga kabataang naghahangad na makapagtapos sa pag-aaral. Nawa po ay lumawak pa ang inyong programa upang marami pa ang matulungan,” pasasalamat nito sa DSWD nang ito ay makapasa sa board exam.
Dagdag pa nito, nawa umano ay magamit sa tamang paraan ang tulong-pinansyal mula sa 4Ps. Aniya, sa pamamagitan nito ay maaabot ang pangarap ng bawat anak.