Pinasinayaan nitong April 27 ang Water Desalination Facility sa Barangay Cobrador sa bayan ng Romblon, Romblon na proyekto ng Department of Science and Technology (DOST) katuwang ang lokal na pamahalaan ng Romblon.
Pinangunahan ni DOST Secretary Dr. Renato Solidum Jr. ang pagpapasinaya kasama sina Congressman Eleandro Madrona, Governor Jose Riano, at Romblon Mayor Gerard Montojo. Dumalo rin sa pagpapasinaya sina DOST Undersecretary for Regional Operations Engr. Sancho A. Mabborang at DOST Mimaropa Regional Director Dr. Ma. Josefina P. Abilay.
Ang proyekto ay naglalayong magbigay ng potable na tubig sa mga residente sa lugar sa pamamagitan ng water desalination technology kung saan inaalis o binabawasan ang asin mula sa tubig-alat para magamit ng mga residente. Sa tulong ng DOST, ang mahigit 500 household sa barangay ay mabibigyan na ng malinis na tubig.
“Ang tubig ay pangunahing kailangan ng bawat isa, pero kahit 21st century na tayo ay marami paring lugar sa buong mundo ang walang access at hindi makakuha ng malinis na tubig. Sa bawat problema, posibleng may solusyon at ito ‘yung dinadala ng mga Engineers at Scientist na puwede niyong makatulong habang kayo ay namumuhay dito [sa Cobrador],” pahayag ni Solidum.
“Dito sa araw na ito, dito sa Cobrador island, ‘yung problema ninyo na walang access sa malinis na tubig ay masusolusyonan na, at ang solusyon ay ang desalination,” dagdag pa nito.
Malaki ang pasasalamat ng mga residente ng barangay sa proyekto. Ayon kay Barangay Captain Juan Dela Cruz, kung noon umano ay kailangan pa mag-angkat ng malinis na tubig mula sa ibang isla, ngayon ay nasagot na ng gobyerno.
Sinabi naman ni Regional Director Abilay na patuloy na magbibigay ng mga proyekto ang kanilang ahensya lalo na sa mga lugar na kasama sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas o GIDA. Ang Water Desalination Facility na ito sa bayan ng Romblon, Romblon ay ikatlo na sa buong rehiyon ng Mimaropa.