Isa-isang binisita ng mga tauhan ng Social Security System (SSS) – Romblon ang mga sampung (10) employers sa bayan ng Looc, Romblon na may delinquency para sa kontribusyon ng kanilang mga empleyado.
Bahagi ito ng taunang ginagawang Run After Contribution Evaders (RACE) na ahensya sa buong bansa.
Ayon kay Maria Ammie Candelaria, hepe ng SSS Romblon, kinakailangang i-remit ng mga employers ang kaukulang buwanang kontribusyon ng kanilang mga manggagawa para masigurong hindi magkakaroon ng problema kung sakaling kailangan ng benepisyaryo na mag-claim sa kanilang ahensya ng mga claims.
Ang pagbibigay ng contribution sa SSS ng mga employers ay nakapaloob sa Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018.
Multa mula P5,000 hanggang P20,000 na may kasamang kulong ang posibleng kaharapin ng mga employers na mapapatunayang hindi ibinibigay sa SSS ang buwanang kontribusyon ng kanilang mga manggagawa.
Kasabay nito, sinabi ni Candelaria, na kasalukuyan ay meron silang Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program para sa mga employers.
Sa tulong umano ng nasabing programa, magkakaroon ng tiyansa ang mga employers na bayaran ang contribution ng kanilang mga manggagawa nang walang babayarang penalidad.