Matapos ang 3 taon pagtigil dahil sa pandemya, muling ibinalik ng Department of Education – Romblon ang Provincial Athletic Meet na kasalukuyang isinasagawa sa bayan ng Romblon, Romblon.
Daan-daang mga atleta mula sa iba’t ibang bayan sa probinsya ay nakilahok sa nasabing palaro na nagsimula noong April 25.
Ang tema ngayong taon ay “Resilience in adversity, peace, and unity through sports” na may naglalayong maging lugar ang palaro para sa camaraderie, teamwork, at pagkakaisa.
Dumalo sa opening programa sina Congressman Eleandro Jesus Madrona, Gov. Jose Riano, Vice Governor Armando Gutierrez, Schools Division Superintendent Roger Capa at mga opisyal nang bawat bayan.
Sa keynote speech ni Congressman Madrona, binigyang-diin ang halaga ng sports sa holistic na pag-unlad ng bagong henerasyon. Ayon pa sa kanya, ang sports ay may mahalagang papel para magkaroon ang mga bata ng disiplina sa sarili at paggalang. Ipinahayag niya ang kanyang lubos na suporta sa lahat ng sports program at nangako na patuloy siyang maglilingkod sa lahat ng mga atleta.
Samantala, pinangunahan ni John Peter Malavega, isang Palarong Pambansa athlete, ang mga kalahok na delegasyon sa Aath of Amateurship.
Kasama sa mga laro sa Romblon Provincial Athletic Meet na magtatagal hanggang April 29 ay ang mga sumusunod: athletics, arnis, badminton,boxing, billiards, chess, football, futsal, table tennis, lawn tennis, swimming, at taekwondo.