Ngayong Vacation Hazards Prevention Month, nagpaalala ang Odiongan Municipal Police Station sa publiko na siguraduhing secured ang mga bahay bago pumunta sa mga beach o di kaya ay magbakasyon sa malayong lugar.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon sinabi ni PSSg Mark Anthony Fadero, na para hindi manawakan, dapat umano ay siguraduhing nakasara lahat ng pintuan at mga bintana para walang mapasukan at dapat ay iiwan sa mga katiwala o kapitbahay ang tahanan para may magbantay rito.
“Yung tips namin ay para maiwasan yan, dapat ‘lagi talaga nakasara ‘yung mga pinto at ipaalam talaga sa kapitbahay na aalis kayo para maiwasan yang krimen na pagnanakaw,” ayon kay PSSg Fadero.
Dagdag nito, maliban sa mga kapitbahay ay tuloy-tuloy rin ang ginagawang pagpapatrolya ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station sa mga barangay para magdalawang isip ang mga may masasamang loob.
Aniya, ang manakawan ay ilan lamang sa mga hazards na puwedeng maiwasan ng publiko sa kanilang pagiging alerto.
Paalala rin ni PSSg Fadero na ugaliing tingnan ang mga sasakyan bago bumiyahe, at siguruhing walang parte ng sasakyan ang malapit nang masira para iwas disgrasya sa daanan.
Ngayong summer, naglunsad ng Oplan Ligtas Summer Vacation (SumVac) ang mga kapulisan para magkaroon ng police visibility sa mga madalas pinupuntahan ng mga turista tuwing summer kagaya ng mga resort, beach, mga pantalan, at marami pang iba.
Ayon kay PSMS Ana Marie Soledad, taon-taon na nilang ginagawa ang Oplan Ligtas Sumvac para higit na mabantayan ang mga bakasyunistang namamasyal sa bayan ng Odiongan. Ginagawa rin umano ito ng Philippine National Police sa iba pang bayan sa buong lalawigan.