Hindi sapat ang mga palay na naani sa probinsya ng Romblon para mapakain ang lahat ng residente ng lalawigan para sa isang taon dahil sa mababang bilang ng naaani ng mga magsasaka sa probinsya.
Sinabi ni Angelie Fermanejo, Agriculturist ng Department of Agriculture Mimaropa, nang makapanayam sa Kapihan sa PIA Romblon, na 3.6 metric tons lamang ang naaning palay para sa buong taon sa lalawigan.
Sa paglalarawan nito, 10,505 hectares lamang ang naitala nilang umani ng palay sa buong lalawigan noong nakaraang taon o katumbas ng mahigit 5,000 sa bawat croppings.
Itinuturong ni Fermanejo ang hindi paggamit ng mga magsasaka ng mga high quality na binhi ng palay at pagkakaroon ng ibang estilo ng pagtatanim na hindi angkop umano sa mga palay na ipinamimigay ng kanilang ahensya. Nakaapekto rin umano sa pagkakaunti ng ani ang unti-unting pagliit ng mga lupang pangsakahan sa probinsya dahil sa pag-convert ng mga farmland patungo sa mga commercial lots.
Isa rin sa mga posibleng dahilan ay ang hindi pagtatanim ng ilang magsasaka dahil sa patuloy na pagtaas na presyo ng mga abuno na isa sa binibigyang solusyon ng kanilang ahensya sa tulong ng mga subsideya ng gobyerno.
Ang mga magsasakang nabigyan ng kanilang ahensya ng mga binhi ay mabibigyan rin ng fertilizer subsidy sa pamamagitan ng fertilizer voucher. Ang isang sako na binhi na kaloob ng DA ay katumbas umano ang isang ektaryang sakahan ng mga magsasaka.