Suportado ng Sangguniang Kabataan ng Odiongan ang plano ng mga kabataan sa Odiongan na sumali sa kauna-unahang E-Palarong Pambansa. Ang E-Palarong Pambansa ay isang national esports tournament na suportado ng National Youth Commission.
Sa Odiongan, May 13-14 ang target para sa qualify round ng larong Mobile Legends: Bang Bang kung saan pipili ang mga organizer ng ilalaban sa regional leg ng kompetisyon.
Sa isang panayam sinabi ni Odiongan SK Federation president, Engr. Mike Foja, na nagpapatunay ang kompetisyon na ito na ang paglalaro ng online games ay hindi nalang basta paglalaro o libangan.
“Mahalaga ito para ang mga kabataan ay madevelop nila ang kanilang skills at talento gaya sa ibang sports. At mabigyan rin ng opportunity ang ibang kabataan na hindi makapaglaro ng contact sports,” pahayag ni Foja.
“Ito ang perpektong laro para sa kanila, na maipakita nila ang kanilang husay at pagiging mapagkumpitensya pagdating sa Sports,” dagdag pa nito.
Inaasahang malaki ang magiging epketo ng kompetisyon na ito sa mga kabataan ng Odiongan.
“Ang pagkakaroon natin ng ganitong programa ay magandang bagay ito para sa lahat ng manlalaro lalo na sa ating bayan dahil mararamdaman nilang tanggap at kinikilala na ang E-Sports,” pahayag ni Foja.
Inaasahang sa darating na Hunyo magsisimula ang labanan sa regional leg, na susundan naman ng group stage hanggang sa playoffs.