Kung siguridad at katahimikan sa Romblon ang pag-uusapan, nangunguna na rito ang Maghali Group of Islands na binubuo ng mga isla ng Simara, Banton at Sibale sa hilagang bahagi ng probinsya.
Sa ginanap na press conference ng mga Municipal Police Station ng tatlong bayan kasama ang San Jose, nabanggit na mula Enero ngayong taon hanggang sa kalahating bahagi ng Abril ay walang naitatalang krimen sa Maghali Group of Islands na umabot sa korte o nai-file sa korte.
“Zero po sa amin ang crime rate kasi walang filed case po sa amin, pahayag ni Captain Rosie Galus ng Corcuera Municipal Police Station (MPS).
May mga naitatala umano ang kanilang opisina na mga hindi pagkakaunawaan ngunit ito umano ay naayos na agad pagdating palang sa mga barangay kaya hindi na umaabot sa pagsasampa ng kaso.
Paliwanag ni Captain John Anthony Pajarillo ng Banton MPS at Captain Harby Francisco ng Concepcion MPS, ang pagiging kakaunti nang mga nakatirang residente sa kanilang isla at pagiging magkakamag-anak ng halos karamihan ay isa sa mga dahilan kung bakit madalang ang krimen sa Maghali Group of Islands.
Ayon pa sa mga pulis, ang siguridad rin sa mga isla ay napapanatili sa tulong ng mga Barangay Peacekeeping Action Teams (BPAT) at sa tulong na rin ng iba pang ahensya ng gobyerno at ng lokal na pamahalaan.