Sa ginanap na coronation night nitong April 11 ng Miss Odiongan Rose 2023, ipinaabot ni Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic ang pagsisiguro nito na suportado ng lokal na pamahalaan ng Odiongan ang mga programa ng LGBTQIA+ sa bayan.
Inihalimbawa ng alkalde ang nagiging ambag ng Odiongan Rose Organization sa lipunan sa pamamagitan ng ikinakasa nilang mga gift giving activities sa mga liblib na lugar sa bayan.
Ipinaabot rin nito na patuloy na ipinatutupad sa bayan ang iba’t ibang batas at ordinansa na magproprotekta sa mga miyembro ng LGBTQIA+.
“Meron po tayong mga ordinance in place kagaya ng Bawal Bastos o Safe Spaces Act kung saan bawal po tayong magharas, at mag discriminate sa kahit sinong tao at meron po tayong mga penalidad at multa sa mga taong gagawa nito,” pahayag ng alkalde.
Sinabi rin nito na maraming programa ang LGU para sa mga LGBTQIA+ katulad nang pagsasagawa ng kauna-unahang Pride March na isinagawa noong nakaraang taon.
Hiling ng alkalde, sana umano ay tulungan na makamit ng isa’t isa ang kanilang mga karapatan.
“Ang karapatan ng lalaki, babae, LGBTQIA+ community, lahat po yan ay karapatang pantao. Kung rerespituhin po natin lahat yan, lalong uunlad ang bayan ng Odiongan,” panghuling pahayag nito.